Inihayag ng Kapuso teen stars na sina Sean Lucas at Michael Sager na kapuwa sila nakaramdam ng "intimidation" kay Kyline Alcantara.

"Sa akin po, si ate Kyline (Alcantara)," sabi ni Sean sa programang "Mars Pa More."

Dahil dito, tinanong si Sean ng male host ng programa na si Kuya Kim Atienza kung may crush siya kay Kyline, kaya na-intimidate siya.

"Secret na po natin 'yun," biro ni Sean.

Paglilinaw ni Sean, hindi ito intimidation ng pagkatakot, kundi na-starstruck siya kay Kyline.

"Nandoon po kasi siya noong nag-AOS (All-Out Sundays) kami. Tapos noong nakita ko siya, hindi lang ako maka-imik. Kaya siya talaga 'yung naisip ko na intimidated ako. Pero hindi naman siguro intimidated talaga, more on na-starstruck lang talaga ako," paliwanag ni Sean.

Maging si Michael ay hindi rin naiwasan na ma-starstruck kay Kyline.

"Ako po rin po, actually same as Sean and I also met Kyline during out taping for AOS. Ang nangyari kasi, naghihintay ako sa elevator, lumabas siya. Sabi ko 'Wow!' Na-starstruck ako nu'ng nakita ko si Kyline. So na-intimidate in a sense na she's very well-known and successful siya. Kaya sabi ko, it's so cool seeing her in person, 'cause I watch her YouTube videos, her performances," sabi ni Michael.

Bukod dito, inihayag ni Sean na idolo niya si Miguel Tanfelix, at gusto niyang maka-close si Heart Evangelista.

Si Michael naman, idolo si Xian Lim at gustong maka-close ang fellow Kapuso teen star na si Jillian Ward.

Panoorin ang buong panayam sa video. --FRJ, GMA News