Ikinuwento ni Jake Vargas na naka-heart-to-heart talk niya ang mga magulang ng kaniyang nobyang si Inah de Belen na sina John Estrada at Janice de Belen, at binigyan siya ng mga ito ng payo tungkol sa kanilang relasyon.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabi ng aktor na nangyari ang pag-uusap noong nakaraang buwan.

"Ang sabi niya sa akin, huwag kaming magmadali, darating naman din ang time na 'yun. Ang maganda raw, i-enjoy muna namin 'yung meron kami ngayon. Stay in love, stay happy lang lagi," sabi ni Jake tungkol sa ipinayo sa kaniya ni John.

"Okay naman si Daddy John. Okay siya kausap, sobrang, alam mo 'yung hindi ka maiilang eh. Parang tatay mo na rin siya kapag pinapayuhan ka," dagdag ni Jake.

Nang maging Kapuso noon si John, nagbiro ang batikang aktor na mababantayan na niya ang anak na si Inah at si Jake.

Samantala, inihayag naman ni Inah na suportado niya si Jake sa bagong proyekto nito na 'The Fake Life." Katambal ng aktor sa proyekto ang dati nitong ka-loveteam at ex-girlfriend na si Bea Binene.

Ito ang unang pagkakataon matapos ang pitong taon na muling magtatambal sina Jake at Bea, o ang "JaBea."

Sa "The Fake Life," gaganap si Bea bilang ang batang si Cindy, na gagampanan din ni Beauty Gonzalez.

Gaganap naman si Jake bilang ang batang karakter ni Sid Lucero.

Love triangle nila si Kristoffer Martin, na gaganap bilang ang batang karakter ni Ariel Rivera.

Dahil matagal na hindi nagkasama sa proyekto, natanong ang dalawa kung nagkaroon ba sila ng ilangan sa isa't isa.

"Matagal ko rin siyang hindi nakasama sa TV, medyo nangangapa pa. Pero nu'ng tumagal okay na," sabi ni Jake.

Mabibigat na eksena na may halong matinding iyakan na ngayon ang aasahan sa "JaBea," mula sa dating sweet at kilig moments nila noon. --Jamil Santos/FRJ, GMA News