Inilahad ni Sanya Lopez na isa sa mga dahilan kung bakit "no boyfriend since birth" pa rin siya hanggang ngayon ay dahil hindi niya mapigilang isipin kung ano ang magandang maidudulot sa kinabukasan ng papasukin niyang relasyon.

"Totoo po na wala akong naging boyfriend. But nandoon po 'yung mga taong, siyempre dumating din naman tayo na may nanliligaw talaga," pag-amin ni Sanya sa "Updated with Nelson Canlas."

Ayon kay Sanya, "by choice" ang kaniyang estado na hindi muna mag-nobyo, dahil ayaw na niyang balikan ang karanasan noon ng kanilang pamilya na dumanas sila ng hirap.

"Yes. I think by choice talaga kasi nu'ng umpisa. So baka kapag nag-focus ako sa kaniya 'yung career ko mapabayaan ko. Ayokong bumalik sa life namin dati. So ang dami kong iniisip. Sabi nga ng mga nanliligaw sa akin, overthinker daw ako," anang Kapuso actress.

"Kumbaga parang iniisip ko na 'yung for the future. Kahit medyo nahihirapan 'yung mga tao, chill lang, eh hindi ako 'yung tipo ng tao na relax lang, na 'Chill lang tayo ngayon.' Gusto ko, ano 'yung future natin?'" dagdag ni Sanya.

Ngunit kung magkarelasyon man, sinabi ni Sanya na isa sa kaniyang mga katangian ang pagiging loyal.

"Kapag na-inlove ako, totoo 'yon, loyal po kasi ako eh. So ang hirap din. Hindi ako sanay na magloko. Unless magloko siya. Wow!" biro ni Sanya, na gumaganap bilang si Melody sa "First Yaya."

Inilahad ni Sanya ang mga katangian na hinahanap niya sa gusto niyang maging partner.

"'Yung respeto niya sa babae, number one, respeto sa pamilya. Tsaka 'yung mahal na mahal ako. Bonus na lang talaga kung gwapo, may abs. Wow!" biro ng aktres.

Bukod dito, dapat ding may pangarap ang lalaki na manliligaw kay Sanya.

"Tsaka 'yung may pangarap sa buhay. Ayoko na ako lang ang nagtatrabaho. Gusto ko sabay tayo nangangarap. Kapag nag-boyfriend ako, hindi lang siya sasabihin ko na 'Hanggang boyfriend lang kita ha, hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa ating dalawa.' Nandoon ako sa moment na kapag naging boyfriend kita, parang posible na ikaw na rin 'yung sa future ko.'"

Pag-amin ni Sanya, na-inlove na rin siya noon, pero puppy love lamang.

"Na-inlove po ako, pero 'yung iyak ko siguro, hindi ko alam kung love ba talaga 'yung tao. Iniisip ko na, karapat-dapat ba ako para sa kaniya? Hindi ko alam kung mali 'yun at deserve ko ba 'yon? 'Yung first love ko, doon talaga ako umiyak. Hindi ko siya naging boyfriend because bawal, bata pa. So sabi ko, 'Kung tayo, tayo talaga. Eh talagang tayo.'"

Kuwento niya, ang kuya niyang si Jak ang nagsasabi sa kaniya noon na huwag munang magboyfriend.

Pero ngayong dalaga na siya, payag na ang kaniyang kuya na magnobyo siya.

"Tapos ngayon medyo feeling niya nasa tamang edad na ako, sinasabi niya sa akin na 'Alam mo na 'yan. Malaki ka na.' May tiwala na siya sa akin. Kasi siguro nangangamba na rin siya, ilang taon na ako wala pa akong boyfriend," ani Sanya.

Gayunman, nakatulong daw kay Sanya ang kaniyang mga co-stars sa "First Lady" na i-enjoy muna ang pagiging single.

"Ako naman. Ako 'yung tipo na relaxed lang, nag-e-enjoy pa ako. Sabi ko nga last time hindi ko alam kung nakatulong 'yung mga naging kaibigan ko ngayon sa First Yaya. Nakatulong ba kayo? Mas nag-enjoy ako sa inyo eh, parang hindi ko lalong hinanap 'yung boyfriend eh." —VBL, GMA News