Inihayag ni Faith Da Silva na kung mayroon mang lalaki na huling nagpakilig sa kaniya, ito ay walang iba kundi si Buboy Villar.

"Oo totoo!" sabi ni Faith sa Mars Pa More.

"Sa AOS (All-Out Sundays) namin, magkasama kami sa isang segment doon. Tapos magka-love team kami. Siguro mga three months kaming magka-love team," paglalahad ni Faith.

Ayon kay Faith, hindi niya maiwasang kiligin sa tuwing tinititigan siya ni Buboy.

"Kapag nasa screen kami or ng stage kami, kinikilig ako talaga sa kaniya nang sobra. Or kahit rehearsals pa lang tinitingnan niya akong ganu'n, kinikilig ako," anang Kapuso actress.

Ang tinutukoy ni Faith ay ang "Queen Beks" segment ng All-Out Sundays, kung saan ipinakita rin nila ni Buboy ang kanilang singing skills.

—LDF, GMA News