Nagsalita na si Carla Abellana sa usap-usapang hiwalayan umano nila ng asawang si Tom Rodriguez matapos niyang sagutin ang isang netizen na nagkomento tungkol sa isyu.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nagkomento ang netizen sa YouTube, na tila pinupuna ang pag-react ni Carla sa mga negatibong komento kay Tom, at ang paghingi niya ng tulong sa social media.

"Ayaw mong negativity sana di ka na lang nag-like sa mga nega comments kay Tom, sana nu'ng nagkaproblema kayo sana hindi ka nag IGs na humihingi ka ng tulong?" saad ng netizen kay Carla.

"Sana man lang po mag-usap kayo [nang] maayos ng asawa mo, kaya siguro nag-post si Tom kasi nagsawa na siya sa kahihintay na kausapin mo siya," dagdag ng netizen.

“Ang taong lubos na nasaktan, hirap pong pigilang hindi ilabas ang galit sa anumang paraan. I was disrespected. I was betrayed. I was lied to. I was used. I was shamed. I was made to look stupid," tugon ni Carla sa netizen.

"Kung sana hanggang du'n lang po makakabangon din po ako balang araw. Pero para gawan pa po ako at ang pamilya ko ng mas marami pang kasamaan at kataksilan sa mga sumunod na araw, linggo at buwan, sobra sa sobra na po ang sakit at pagdurog ng puso at pagkatao ko," dagdag ng Kapuso actress.

Iginiit ni Carla na wala siyang ginawang masama laban sa kaniyang asawa.

"Wala po akong ibinigay kay Tom kundi tunay na pagmamahal, respeto, pag-aalaga, pag-aaruga, pag-unawa, pagtitiis, sangkatutak na pagpapatawad, milya-milyang pasensya, paniniwala, pagtiwala, pag-aasikaso, pag protekta, lahat lahat na."

Gayunman, nagpahiwatig si Carla na tila napipigilan siyang magsalita tungkol sa kaniyang nararamdaman sa kanilang relasyon.

"[Pitong] taon na po akong bawal magalit, magtampo, masaktan, mabigo, malungkot, madismaya dahil hindi po pwede... Makakatikim po ako kahit subukan ko pong ipaliwanag sa kanya na nasasaktan niya ako at hindi po tama ang ginagawa niya."

May nararamdaman din daw na takot si Carla kapag nagsalita siya.

"[Pitong] na taon pong naipon sa loob ko lahat 'yun. Gustuhin at kailangan ko man pong ilabas, lubos na nakakatakot po."

Nagpahiwatig pa ang aktres na hinikayat niyang sumangguni sa mga eksperto si Tom.

"Ilang beses ko po siyang hinikayat na magpatingin, magpagamot at magpagaling dahil 'yun din po ang gumana sa akin. Pero wala pa rin po."

Giit ni Carla, "kakarampot lang" ang nababasa ng ang nakikita, naririnig at nababasa ng publiko online ng hindi nila nalalaman sa likod ng camera at sa loob ng kanilang pamamahay.

"Hindi po ako masamang tao tulad ng sinasabi, nararamdaman, naririnig at nakikita po ninyo online, sa TV, etc. Pinalaki po ako ng nanay at lola ko na marunong rumespeto, umunawa, magmahal, magpatawad, magpasalamat, magpakumbaba, at higit sa lahat may takot po sa Diyos," giit pa ni Carla.

Sinubukan ng GMA News na kunin ang panig ni Tom pero "no comment" ang sagot ng kaniyang abogado.

Bagama't wala pang linaw sa tunay na estado ng relasyon ng mag-asawa, ilang buwan nang laman ng mga usapan ang mga post nila ni Tom na tila patama nila sa isa't isa. – Jamil Santos/RC, GMA News