Tatlong buwan makaraang isapubliko ang kanilang relasyon, nag-unfollow sa isa't isa sa Instagram sina Rabiya Mateo at Jeric Gonzales.

Binura pa ni Rabiya ang mga larawan nila ni Jeric na magkasama— kabilang ang post na inihayag niya ang pagmamahal kay Jeric.

Samantalang hindi naman nawawala sa page ng aktor ang mga larawan nila ni Rabiya.

Napansin ng mga tagasuporta nina Rabiya at Jeric ang mga bagong pangyayari sa harap na rin ng mga espekulasyon na may problema sa relasyon ng dalawa.

Unang napansin ng fans noong Mayo ang cryptic post ni Rabiya sa Instagram na nagsasaad na, “I owe myself the biggest apology for putting up with what I didn’t deserve.”

Wala pang pahayag na inilalabas ang dalawa.

Unang nagkakilala sina Rabiya at Jeric sa isang episode ng “Wish Ko Lang” noong November 2021. Mula noon ay madalas na silang magkita na magkasama.

Nitong nakaraang Marso, nag-post sila ng kanilang larawan habang nasa Bohol.

Noong Mayo matapos pumirma si Rabiya ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center, inihayag nila ni Jeric ang hangarin na magkasama sa isang romantic-comedy film. — FRJ, GMA News