Bagaman aminadong may takot siya kapag nagpaalam na ang anak na mag-aasawa na, inihayag ni Dennis Padilla na pangarap niyang maisayaw ang isa sa kaniyang mga anak kapag ikinasal na.

"Siyempre kapag tatay ka, karangalan mo 'yon, 'di ba? Tsaka moment niyo 'yon, golden moment 'yon actually. At hanggang tumanda ka, hindi mo makakalimutan 'yon," sabi ni Dennis sa "Mars Pa More."

Gayunman, inilahad niyang nakararamdam din siya ng takot kung sakaling dumating ang oras na magpapaalam na ang kaniyang mga anak tungkol sa kani-kanilang mga plano na magpakasal.

"'Yung... 'Mag-aasawa na ako,'" sagot ni Dennis nang tanungin kung ano ang bagay na natatakot siyang sabihin sa kaniya ng mga anak.

May halo namang excitement kay Dennis kung sakaling magkakaroon na siya ng apo.

"Kasi sa totoo lang, excited na rin akong magkaroon ng apo," saad ng aktor.

"Kapag nagka-apo ako mas malamang lagi kong kukunin 'yung apo ko. Sasabihin ko 'Ah sige na mamasyal na kayo, akin na muna ito (apo).'"

Iginiit naman ni Dennis na kahit kailan ay hindi siya nakisawsaw sa kaniyang anak para lamang mapag-usapan.

"Kapag nagko-comment lang naman ako sinasabi ko 'I love you!' 'Ingat ka!' Eh ang dating sa kanila (bashers) parang 'Papansin naman itong tatay na ito.' Anong papansin, eh anak ko 'yun?," paliwanag niya. --FRJ, GMA News