Muling mapapanood ang "Team Jolly" nina Sofia Pablo at Allen Ansay na bibida sa "Luv Is: Caught In His Arms," na adaptation mula sa hit Wattpad novel.

"Talaga namang sinundan namin 'yung kuwento from the book itself. Kaya I promise 'yung readers ng book, hindi kayo madi-disappoint," sabi ni Sofia sa GMA Regional TV Live.

Natanong din si Sofia kung mayroon silang mga babaguhin para makuha ang panlasa ng Pinoy viewers.

"Sobrang daming nagtatanong kung merong babaguhin, kasi sa mga adaptation, meron at meron naman talagang binabago. Same with us, may mga binago naman po kami, pero not to the point na ang layo na po niya sa story na 'Huh? Caught In His Arms ba ito?'" sabi niya.

"Andu'n pa rin ang main element ng Caught In His Arms," dagdag ni Sofia. "May binago po kami pero very slight lang naman."

Kasama nina Sofia at Allen ang ilan sa mga miyembro ng Sparkada na sina Sean Lucas, Michael Sager, Vince Maristela, Raheel Bhyria, Tanya Ramos, Cheska Fausto, Caitlyn Stave at Kirsten Gonzales.

"Noong una po kinabahan kami kasi 'Hala! Baka mahirapan tayong mag-reach out kasi grupo na po sila and from the word Sparkada, barkada na po sila off cam. So sabi namin 'Paano kaya tayo co-connect?' Tapos first day pa lang po nag-reach out na agad sina Vince, Michael, Tanya, Sean," kuwento ni Sofia.

"Ang kukulit po talaga nila so bagay na bagay ang Sparkada kasi they are so bubbly on the set," dagdag pa niya.-- FRJ, GMA News