Inihayag ng asawa ni Vhong Navarro na si Tanya ang kaniyang takot at lungkot sa pagkakakulong ng aktor dahil sa kasong rape, pero umaasang pagbibigyan ng korte ang kanilang petition for bail.

Sa ulat ng “Unang Balita” nitong Huwebes, sinabing emosyonal na humarap sa media si Tanya nitong Miyerkoles matapos bisitahin si Vhong sa National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay Tanya, ikinakatakot nilang malilipat si Vhong sa Taguig City Jail dahil delikado ito para sa seguridad ng aktor.

Naghain na ng mosyon ang mga abogado ni Vhong.

Kinuwestiyon ng abogado ni Deniece Cornejo kung bakit nasa detention facility ng NBI si Vhong sa halip na sa pulisya, at dapat nasa Taguig City Jail ito alinsunod sa batas.

Umaasa si Tanya na aaprubahan ng korte ang kanilang petisyon kahit walang piyansa ang kasong panghahalay na isinampa laban kay Vhong.

"Vhong was, ever since, very consistent sa kuwento niya since Day 1. Supported 'yun ng documents or sa kung ano mang ebidensya na binigay namin. So hindi ko alam kung ano ang nakikita nilang probable cause," sabi ni Tanya.

"I'm just being strong for Vhong," dagdag ni Tanya. — Jamil Santos/VBL, GMA News