Ginawang makabuluhan ni Miguel Tanfelix ang kaniyang ika-24 kaarawan sa pamamagitan ng pagbibigay ng grocery items sa mga nangangailangan.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkules, sinabing nagmula sa mga napanalunan ni Miguel sa mga sinalihan niyang game show ang ipinambili niya ng grocery items.

 

“Swerte sa game show, ika nga nila. Jackpot dito, jackpot doon. The question is, bakit? At bakit ako? I think I have the answer for that,” sabi ni Miguel.

“Cause He knows na gagamitin ko ‘to sa tamang bagay. Isa lang naman akong tool eh, para ipamahagi ang blessings Niya," dagdag niya.

Sa mismong araw ng kaniyang kaarawan, bumili si Miguel ng mga de lata, sako ng bigas, mga snack, tinapay, kape, face masks, at iba pa.

Ni-repack ito ng kaniyang team bago ipinamahagi sa kaniyang area.

“Kung meron kayong sobra, kahit konti, ipamahagi niyo sa iba. Minsan yung konti sa ‘tin, malaki na para sa kanila. Kahit ano, kahit candy. Kahit nga time lang eh, for sure maa-appreciate nila yun eh,” sabi ni Miguel, na nanalo sa “The Wall Philippines” kasama si Ysabel Ortega. —LBG, GMA News