Hindi malaman ng actress-singer na si Lala Vinzon kung papaano sasagutin ang tanong kung nagkaroon na siya ng boyfriend dahil baka malaman ng kaniyang ama na veteran actor na si Roi Vinzon.
Sa isang episode ng Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga kamakailan, isa sa choices si Lala, na agad tinanong ni Dabarkads Ryan Agoncillo kung nagkanobyo na siya.
"Sa ngayon hindi ko pa po puwedeng sabihing oo, pero... Hindi ko alam kung paano sasagutin, delikado po akong sumagot," natatawa at tila nahihiyang tugon ni Lala.
"Actually hindi ko po alam kung makakuwi ako ngayon 'pag sinagot ko 'yan. Pero gusto kong maging honest. May mga, hindi naman to the point na relationship," pag-amin ni Lala.
Ipinaliwanag naman ni Ryan ang kaniyang tanong, "The reason I ask that, because Roi is such a strong presence on screen. And from what we hear, parang strict dad siya, pero pumayag siyang mag-showbiz ka."
Sumali si Lala sa isang singing competition limang taon na ang nakararaan, at doon na nagsimula ang kaniyang career bilang artista.
"Kasi kung meron man po siyang maipamamana sa amin, 'yun ang pag-aartista. Tiningnan ko rin po kasi hindi ko naman po siya gusto gawin talaga ever since dahil mahiyain ako. Pero doon po talaga nag-start 'yung career ko sa isang national competition sa pag-awit. Kaya sabi niya sa akin na eventually mag-venture rin po ako sa pag-acting."
Sumabak na rin sa larangan ng pageantry si Lala nang sumali siya ngayong taon sa Binibining Pilipinas, gamit ang kaniyang tunay na pangalan na Maria Isabel David.
"Si Papa po, kung ano ang gusto namin sa buhay, supportive po siya," sabi ni Lala.
May sorpresang pagbati naman ang ama niyang si Roi sa kaniya.
"I'm so happy na ngayon artista ka na at sumunod ka sa yapak ko. At sana maging devoted ka diyan kung gusto mo talaga. 'Yung bilin ko sa 'yo, maging professional ka. Uulitin ko parati, mababa sana ang loob mo parati, at i-stay mo ang kabaitan mo," mensahe ni Roi kay Lala.
Maraming salamat, at sana ma-maintain mo pa rin ang pag-aaral mo kahit na artista ka, okay? Be serious about it. Anyway, congrats and good luck," patuloy ng aktor.
Saad naman ni Lala, hindi niya kinakalimutan ang mga bilin ng kaniyang ama.
"Susubukan ko na i-apply lahat 'yun dahil lagi niya sinasabi na always choose authenticity rather than being popular. Kaya mas gugustuhin kong respetuhin ka dahil mabait ka, hindi lang dahil sa talented ka. Kaya gusto ko malaman niya 'yung values na na-apply niya all throughout his career, ia-apply ko 'yun hangga't kaya ko," anang dalaga. --FRJ, GMA News

