Napansin ng netizens kamakailan ang malaking pagkakahawig ni Michael V. sa mga anak na sina Migo at Brianna, at may nagsabing puwede nilang gampanan ang "Bubble Gang" segment na "Bitoy, Itoy at Bebang." Ano naman kaya ang masasabi rito ni Bitoy?

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing ilang netizens ang nakapansin na mas mukhang Bitoy pa si Migo at tila ginawa sa photoshop ang viral nilang family picture para magkaroon ng dalawang Bitoy.

Natuwa at masaya si Michael V sa naging obserbasyon ng netizens.

"Naapektuhan siya eh, 'yung anak ko. So pagka nakita mo 'yung profile pic niya, binago niya, palagay ko nga... Hindi, mas pogi siya eh," sabi ni Kapuso comedy genuis.

May netizens pa nga na humirit na puwedeng gawing karakters ng mag-aama sa isang segment ng Bubble Gang bilang sina Bitoy, Itoy at Bebang.

"We'll see. Si Brianna kasi, 'yung isang katabi ko na babae, siya nag-guest na sa Bubble Gang and ngayon nasa Start-Up siya. So, hindi natin alam. Sila, hinahayaan ko kung ano ang trip nila talaga sa buhay, pero palagi, ang priority ay school. Mag-aral muna kayo, magtapos kayo, and then you can do whatever you want," sabi ni Bitoy.

Sinabi ni Bitoy na mahalaga na sama-sama ang pamilya sa anumang okasyon o panonood ng pelikula.

Kasama ni Bitoy nitong Martes ng gabi ang kaniyang pamilya sa special screening ng bagong pelikula ni Dwayne Johnson na Black Adam. Bonding nilang pamilya ang panonood ng latest movies.--Jamil Santos/FRJ, GMA News