Humingi ng pagpapatawad si Sarah Geronimo mula sa kaniyang pamilya, dalawang taon matapos ang kaniyang kasal kay Matteo Guidicelli.

Sa kaniyang Instagram, nag-post si Sarah ng isang sulat sa kaniyang pamilya, fans, kaniyang manager at publiko.

Hindi man daw ito gustong gawin ni Sarah dahil gusto niyang mapanatiling pribado ang kaniyang buhay, pero gusto niyang pasalamatan ang Diyos at ang kaniyang pamilya sa pagbibigay inspirasyon sa kaniya na maging malakas sa kabila ng mga pagsubok.

"Gusto ko rin kunin ang pagkakataon na ito sa paraan din na ito... na humingi ng tawad sa aking pamilya na labis na nasaktan sa aking mga naging desisyon sa buhay. Patawad po," saad niya.

Sa kaniyang post, pinasalamatan ni Sarah ang kaniyang mga magulang sa pagpapalaki sa kaniya at kaniyang mga kapatid.

"Sa aking mga magulang... walang hanggan po ang pasasalamat ko para sa buhay na ibinigay n'yo sa akin, sa aming magkakapatid. Lahat ng suporta at pag-aruga... ang inyong walang katumbas na pagmamahal, walang sino man ang pwedeng makapagpunan po nito," sabi ni Sarah.

"Mahal na mahal ko kayo... daddy at mama ko. Araw-araw ko po kayo nami-miss at naiisip," dagdag niya.

Pinasalamatan naman ni Sarah ang kaniyang fans at manager sa ipinakita nilang suporta sa mga nagdaang taon.

Matapos nito, nagpaalala si Sarah sa mga tao na ipakita ang kanilang pagmamahal sa mga mahahalagang tao.

"Sa aking buong Geronimo family, mula noon hanggang ngayon, kayo ang inspirasyon ko sa buhay. Para sa inyo ang aking muling pagyakap sa musika at pagkakataon na muling makapagbigay ng saya at inspirasyon sa ibang tao," sabi ni Sarah.

"Ngunit bilang isang anak at kapatid, para sa akin, ang makasama kayo habang ako ay nabubuhay nang may pagmamahalan at kapayapaan sa ating mga puso ang tunay na ibig sabihin ng mga salitang tagumpay at kaligayahan," dagdag niya.

"Muli, maraming salamat para sa inyong pagmamahal at para sa inspirasyon. Mahal na mahal ko kayo." — VBL, GMA News