Makikigulo sa mga challenge sina Empoy Marquez at Rocco Nacino bilang guest runners sa sinusubaybayang "Running Man Philippines."

"Actually wala kaming idea kung ano ang mangyayari," sabi ni Empoy.

"Wala talaga. Hindi nga namin alam kung magkakampi tayo eh," ayon naman kay Rocco.

Hiling nina Empoy at Rocco, dahil sabay silang nagpunta sa Korean, sana ay maging magkakampi sila sa kanilang pagsabak sa mga exciting na mission at challenges.

"Nakakakaba pero exciting," sabi ni Empoy kay Rocco, na walang nakuhang impormasyon sa production staff kung ano ang ipapagawa sa kanila.

Kaya aabangan sa darating na weekend kung magiging magkakampi ba sina Empoy at Rocco, o makakatunggali nila ang main cast na sina Glaiza de Castro, Ruru Madrid, Mikael Daez, Lexi Gonzales, Kokoy de Santos, Angel Guardian at Buboy Villar.


Kabilang sa mga naging guest runner sa mga nakaraang episode ng Running Man Philippines sina Kyline Alcantara, Megan Young, Andre Paras, Epy Quizon, Rafael Rosell, Rhian Ramos, Michelle Dee at Boobay.--FRJ, GMA Integrated News