Ganap na ring mga Kapuso sina Bianca Manalo at Jayson Gainza.

Kasama sina Bianca at Jayson sa mga dumalo sa  Signed for Stardom event ng Sparkle GMA Artist Center nitong Martes.

Pumirma rin ng kontrata ang rising star na sina Dustin Yu, Skye Chua, Marco Masa, Princess Aliyah, Haley Dizon at Jade Tecson.

Kabilang sa mga GMA executive na dumalo sa event sina Annette Gozon-Valdez, Senior Vice President for Programming, Talent Management, Worldwide, and Support; Joy Marcelo, Assistant Vice President for Talent Management; at Lawrence Tan, Sparkle's Consulting Head for Talent Imaging and Marketing.

Ayon kay Bianca, masaya siya sa bagong kabanata ng kaniyang buhay.

"Very thankful ako, grateful, thank you po sa trust," saad ng dating Miss Universe Philippines queen.

Nagbiro naman ang komedyanteng si Jayson na nagulat siya nang maging Sparkle artist na rin siya.

"Ako po, nagpapasalamat po sa mga bossing natin," saad niya. "'Di ko po kayo bibiguin."

Napapanood na si Jayson sa ilang GMA show tulad ng "Happy ToGetHer," ang sitcom na pinangungunahan ni John Lloyd Cruz.

Kabilang ang ilang Kapuso stars sa mga muling pumirma ng kontrata sa naturang Sparkle event. — FRJ, GMA Integrated News