Makakatrabaho ni Kylie Padilla sa isang upcoming Kapuso series si Vin Abrenica, ang kapatid ng kaniyang estranged husband na si Aljur. Nakaramdam kaya siya ng pagka-ilang sa kaniyang bayaw?

"Masaya. I mean it's a good way din to, 'di ba? Get all the things behind us. I mean, hindi naman 'yun makakaapekto sa trabaho," sabi ni Kylie sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa 24 Oras.

"And if there's a chance na mas maging close kami rito eh 'di masaya," dagdag pa ni Kylie.

Matapos ikasal noong 2018, naging usap-usapan ang pagkakamalabuan ng relasyon nina Kylie at Aljur. Kinumpirma ito ng ama ni Kylie na si Robin.

Sa isang panayam sa kaniya sa Updated with Nelson Canlas, sinabi ni Kylie na naramdaman na niyang papunta sa hiwalayan ang relasyon nila ng aktor.

Binasag na rin ni Aljur ang kaniyang pananahimik, na sinabi kay Kylie na "tell them who cheated first."

Sa kabila umano ng mga akusasyon at pag-atake sa kaniya, sinabi ng aktor na hindi siya galit at naa-appreciate daw niya ang reaksyon ng mga tao dahil "it comes from their genuine morality and support towards our family."

Sa kabila ng lahat, nagtutulungan daw sina Kylie at Aljur para magkatuwang na palakihin ang kanilang mga anak.

Samantala, natutuwa si Kylie na mas maluwag na ang mga protocol sa taping para magampanan pa rin niya ang kaniyang mommy duties kina Alas at Axl.

"The fact na hindi siya lock in, makikita ko sila, mayayakap ko sila, at the end of today's work masaya na ako doon. Kasi ang mga anak ko naman naiintindihan na nila. If ever there comes a time na nararamdaman ko nagkakaroon na sila ng parang they miss me, isasama ko na lang sa taping kung kinakailangan. Kasi siyempre ayokong magkaroon masyado ng distance," sabi ni Kylie. —LBG, GMA Integrated News