Ikinuwento ni Jeric Raval kung paano siya nadiskubre bilang isang action star habang nag-a-audition sana para maging isang rapper at tularan ang kaniyang idolong Master Rapper- ang yumaong Francis Magalona.

Sa kaniyang guesting sa Kay Susan Tayo! Vlogs ni Susan Enriquez, ibinahagi ni Jeric na nagtungo siya noon sa OctoArts Records para mag-audition bilang rapper. Pero nagkataon naman na pinasok na rin noon ng OctoArts ang pelikula at naghahanap sila ng bagong action star.

“I'm a huge fan of Francis Magalona at that time. Doon sa bayan namin sa Floridablanca, alam nila, rapper ako doon. ‘Pag may mga event-event kami nu'ng araw, nagbo-volunteer pa ako na. ‘Uy, bigyan niyo naman ako number. Gusto ko mag-rap diyan,’” kuwento niya.

Nang magpunta raw siya sa OctoArts Records para mag-audition, napansin siya ng direktor na si Willy Milan, na gumagawa ng action movies.

“‘Alam mo, puwede kang action star eh,’” sabi umano sa kaniya ni direk Willy. “Siyempre, hindi naman ako naniniwala. ‘Ipapakilala kita doon sa big boss. Next week, magkita tayo dito ulit, ipi-pictorial kita,’” pag-alala ni Jeric sa sinabi sa kaniya ni Willy.

Gayunman, namangha umano si Jeric nang makita na niya ang sarili bilang isang action star sa poster.

“So, na-develop na. Nagkita na kami ulit. Ipinakita sa akin. ‘O ito na, tingnan mo.’ Poster, malaki. ‘Aba oo nga ano. Naniwala ako. Sabi ko, ‘Puwede! Puwede akong action star,’” sabi ni Jeric.

Muling bumalik si Jeric sa OctoArts para makita siya ng amo ng kompanya, at kaagad na rin siyang pinapirma ng kontrata.

“At that very moment, ginawa na 'yung kontrata. Pumirma na ako ng kontrata,” sabi niya.

Bida agad ang role ni Jeric sa kaniyang kauna-unahang pelikula na “Primitivo 'Ebok' Ala: Kalabang mortal ni Baby Ama.”

Matapos nito, sunod-sunod na ang mga pelikulang kaniyang pinagbibidahan, gaya ng “Boboy Salonga: Batang Tondo” at “Estribo Gang: The Jinggoy Sese Story,” at iba pa.

Nakasabayan niya ang iba pang itinuturing junior action stars gaya nina Ian Veneracion at Romnick Sarmenta, na mga nasa ilalim ng Seiko Films; Raymart Santiago, nasa ilalim ng Viva; at Zoren Legaspi na nasa ilalim ng Regal.

“Siyempre, masaya ako, tuwang tuwa ako. Nakapila ka lang sa NFA rice, pumipila ka lang doon, nakuha kang artista,” sabi ni Jeric.

Mga idolo

Inilahad naman ni Jeric ang kaniyang mga idol na action star, at kung sino ang aktor na itinuro ni direk Willy na dapat niyang gayahin.

“Fan ako ni Lito Lapid. Tapos, nu'ng bini-build up na ako bilang action star, sabi ni Willy Milan, ‘Eric, ito ang gusto kong gayahin mong acting, ganiyan lang. ‘Yan lang ang panonoorin mo, gayahin mo ‘yan.’ Ace Vergel. Pinagagaya sa akin si Ace Vergel.”

“Eh, hindi naman ako naninigarilyo in real life. ‘Gusto ko ganiyan ang paghithit mo ng sigarilyo ha?’ Mahihihilo-hilo na ako, ginagamit ko ‘yun,” natatawa niyang kuwento.

Nakatatawa pang biro ni Jeric, sa halip na si Ace Vergel ang kaniyang magaya, ibang aktor ang kaniyang kinalabasan—si Robin Padilla.

“O eto na, kagagaya ko nang kagagaya kay Ace Vergel, ang lumitaw, Robin Padilla. ‘O ba't ganiyan?’ Sabi ko, ‘Direk, gusto mo gayahin ko si Ace Vergel. Eh paano ko gagayahin ‘yan? Ang galing-galing niyan, pati acting niyan, hindi naman ako ganiyan kagaling,’” saad niya.

Pag-alala pa ni Jeric, pinagja-jacket siya ng direktor, kahit na mainit.

“‘Ang bihis mo, laging ganito, ha? Huwag kang lumalabas nang hindi ka naka-jacket.’ Kaya ang init-init, naka-leather jacket ka. Tiis ganda ka ngayon,” kuwento niya.

Ayon kay Jeric, tema ng mga pelikula niya noong araw ang hoodlum stories, at lumalayo sa love-action story.

Dahil siya rin mismo ang sumasabak sa stunts, hindi maiwasan na maaksidente siya. Kabilang ang pagbagsak niya sa taas na 15 talampakan nang kumapit daw siya sa lubid na hindi pala nakatali. Alamin ang buong kuwento sa video. Panoorin. – FRJ GMA News