Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, inamin ni Paolo Contis na girlfriend niya na si Yen Santos. Pero nilinaw niya na hindi ang aktres ang dahilan ng paghihiwalay nila ng dating karelasyon na si LJ Reyes.

"Yes," sagot ni Paolo nang direstahan tanungin ni Boy sa pagpapatuloy ng naging interview sa kaniya ng programa.

Ayon sa aktor, magiging "what you see is what you get" ang magiging pananaw ng publiko tungkol sa relasyon nila ni Yen.

Hindi raw naman niya pipilitin ang mga tao na maging masaya para sa kanila.

"Sana lang isipin nila na kung ano lang yung nakikita nilang naka-post, 'yun na lang yung truth na alam nila," saad ni Paolo.

Pero nilinaw ni Paolo na hindi si Yen ang dahilan ng paghihiwalay nila ni LJ.

Agosto 2021 nang kumpirmahin ni LJ na hiwalay na sila ni Paolo.

Ayon sa aktor, bago man na lumabas ang isyu tungkol sa kanila ni Yen, may mga hindi na sila pagkakaunawaan ni LJ na maaaring dulot na rin ng epekto sa kanila ng pandemic.

Pero aminado si Paolo na may pagkukulang siya kung bakit lumalala ang problema nila ni LJ. Katulad nang hindi niya pag-isip sa kalagayan ng mental health ng aktress, at pagdedesisyon sa sarili nang hindi na ipinapaalam kay LJ.

"Hindi ko inalala yung mental health ni LJ. Isa yung sa feeling ko na simula ng downfall namin na hindi ko inisip 'yon," sabi ng aktor.

"Kapag nahihirapan siya during pandemic, ang utak ko, 'Ah four times a day tayo kung kumain, chill ka diyan.' Which was one of my biggest mistakes," patuloy niya.

Nilinaw din ni Paolo na magkaibigan pa lang sila ni Yen nang lumabas naman ang mga larawan na magkasama sila sa Baguio at sumikat ang katagang "as a friend."

Paliwanag ni Paolo, ilang araw nang nasa Amerika noon si LJ at mga anak, nang magkasama sila ni Yen sa Baguio.

"Nung nag-Baguio kami ni Yen, nasa states na sila LJ nu'n. Nagmukhang baliktad, hindi na kami nu'n [ni LJ]," saad ng aktor sabay linaw na hindi pa sila ni Yen nang panahon na iyon.-- FRJ, GMA Integrated News