Napatunayan ng biriterang Cebuana na si Sheryn Regis na hindi katapusan ng mga sumasali sa contest kung hindi man siya ang manalo. Si Sheryn, napag-alaman na orihinal na umawit ng "Gusto Ko Nang Bumitaw," at sumali rin pala sa "Eat Bulaga."

Sa "Bawal Judgmental" segment kamakailan ng Eat Bulaga," kabilang si Sheryn sa guest choices ng mga celebrity na dating sumali sa mga contest.

Binalikan ang pagsali noon ni Sheryn sa singing contest na "Star In A Million," kung saan sinabi ni Ryan Agoncillo na siya ang itinuturing na nangunguna sa mga kalahok at "favorite" pero iba ang nanalo at itinanghal na grand winner.

Pag-amin ni Sheryn, nagkaroon siya ng disappointment nang panahong iyon nang iba ang manalo at hindi siya.

"I'm expecting too much lang siguro. So grabe yung disappointment ko, parang bagsak ang lahat eh," saad niya.

Pero dugtong ni Sheryn, "Hindi lang siguro talaga para sa akin [yung panalo]." 

Sabi sa kaniya ni Ryan, "Bongga naman ang pagbawi after."

Tugon naman ng singer, "Yah. Grabe ang support ng tao talaga. So 'yon nagpapasalamat ako until now after 20 years nandyan pa rin sila."

Pero bago sumali sa Star In A Million, una na palang sumali si Sheryn sa contest na Sing Eat ng Eat Bulaga noong December 2002.

Itinanghal na first runner-up si Sheryn sa naturang contest.

Nang hingan ng mensahe si Sheryn para sa mga sumasali sa contest, payo niya, "Kahit anong mangyayari sa competition, hindi mo sasabihin na 'yan ang katapusan. Kasi marami pang opportunities."

"Hanggang may boses ka, may good health ka, importante nandyan disiplina mo, you stay humble, and you enjoy every performance that you do. Kailangan 'yan enjoy mo every moment na meron ka," patuloy niya.

Sinabi rin ni Allan K, na si Sheryn ang original na umawit ng hit song na "Gusto Ko Nang Bumitaw," na hiniling ng mga dabarkads na nadinig. Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News