Sa ika-25 taong anibersaryo nila bilang mag-asawa, muling nagpakasal sina Michael V. at Carolina Bunagan.

Sa Instagram nitong Martes, nag-post ng mga larawan sa kasal ang mga kaibigan ng mag-asawa, kabilang sina Rochelle Pangilinan at Pia Magalona.

Sa isang larawan, naka-suit and tie si Michael V o Bitoy, habang hawak niya ang kamay ni Carolina na naka-off-shoulder white gown.

Kasama nila sa larawan ang ilang cast member ng "Pepito Manaloto," kabilang si Manilyn Reynes, na tinawag sina Bitoy at Carolina na "lodi couple."

 

 

Nandoon din ang mga kaibigan ni Bitoy na sina Ogie Alcasid at asawa nitong si Regine Velasquez-Alcasid.

Bago ang seremonya, nag-post sa Instagram ang Kapuso comedy genius na nagpahayag ng pananabik na pakasalan muli ang kaniyang asawa.

Mayroon apat na anak sina Bitoy at Carolina na sina Yanni, Milo, Migo, at May Paul. —FRJ, GMA Integrated News