Hindi pa magtatapos sa linggong ito ang kuwento ng Kapuso hit primetime series na "Maria Clara at Ibarra."

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi nina Barbie Forteza at David Licauco na extended ang serye, na nauna nang inanunsyo na magtatapos na sana ngayong linggo.

"Hindi talaga namin ine-expect itong level ng pagmamahal sa amin ng mga viewers, ng mga Kapuso," sabi ni Barbie na gumaganap na si Klay. "So sino ba naman kami para hindi dinggin ang kanilang mga hinaing?"

"For the fans ito 'yung Valentine's gift ng lahat ng buong cast at buong bumubuo ng 'Maria Clara at Ibarra' so I'm just super happy na mae-extend," ayon naman ng pambansang ginoo na si David, bilang si Fidel.

Ayon kina Barbie at David, dapat abangan ng fans ang mangyayari sa kanilang mga karakter na sina Klay at Fidel.

"Thirteen years na hindi nakita ni Fidel si Klay. Parang ang sasandaling panahon lang nilang magkakasama. Parang ang unfair naman nun for Fidel. So let's give him more chance to spend time with Klay," ani Barbie.

"Mai-inlove 'yung mga fans, 'yung mga supporters of FiLay kasi siyempre 'yung mga scenes na ginawa namin was really sweet," pahayag ni David. "Maraming roller coaster of emotions, biglang sasaya, tapos biglang  mai-inlove, tapos biglang malulungkot, iiyak so 'yun kailangan nilang maabangan 'yon." —FRJ, GMA Integrated News