Inihayag ni Jeniffer Maravilla na nawili siya sa kaniyang pagganap bilang isang sinaunang "Marites"  o mahilig sa tsismis, at mami-miss niya ang kaniyang mga "amigas" sa “Maria Clara at Ibarra.”

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing gumanap ang “The Clash” alumna bilang si Sinang, na isa sa mga amiga ni Maria Clara, na ginagampanan ni Julie Anne San Jose.

Isa si Sinang sa mga mahilig makipagtsismisan sa San Diego.

Sinabi ni Jeniffer na mami-miss niya ang grupo nila nina Hannah Precillas, Ira Ruzz at Karenina Haniel bilang “amigas” o mga kaibigan ni Maria Clara.

Samantala, nagpapasalamat si Jeniffer sa bagong release ng kaniyang bagong single na “Alimuom” sa ilalim ng GMA Playlist, kung saan gumamit sila ng mga katutubong instrumento. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News