Inihayag ni Vin Abrenica na nasasaktan siya para sa kapatid na si Aljur, na walang tigil na nakatatanggap ng mga puna at batikos dahil sa mga isyung kinasangkutan nito.

“Our relationship now is, well the closeness is there. Ever since naman hindi naman mawawala ‘yan kasi we’re brothers, isang taon lang ang gap namin. But we haven’t been talking much lately,” sabi ni Vin sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.

Dahil dito, inamin ni Vin na wala siyang alam tungkol sa post ni AJ Raval na nagpahayag ng kaniyang pag-ibig kay Aljur nitong nagdaang Araw ng mga Puso.

“Actually nakita ko naman ‘yung post. Honestly, nakita ko na ‘yon, I’m happy. Kasi sino ba ang nakakaalam ng lahat ng mga nangyayari sa kaniya with all the stress, with all na binabato sa kaniya ng buong Pilipinas, ng buong mundo. Nakikita ko, he’s my brother, he’s broken now,” saad ni Vin.

“Hindi naman madali na lumabas ng bahay na alam mo lahat ng tao sa buong mundo galit sa ‘yo. Para sa akin na anytime, parang it’s a threat, not only to him, in his life also,” pagpapatuloy ng Kapuso actor.

“He gets threats?” pagklarong tanong ni Tito Boy.

“Not only threats, nakikita ko ‘yung comments eh. Everybody getting mad at him, ‘Sana ganu’n mangyari sa ‘yo,’ ‘Sana mangyari sa ‘yo ‘yung ganiyan,’” kuwento ni Vin.

Inihayag ni Vin na hindi maganda ang ilang sinasabi ng mga tao laban kay Aljur, na nagpapakatatag sa pagsubok.

“It’s not nice. He’s also my brother. Tao lang din siya na like all of us. Nakikita ko, as ‘yung brother niya, nangyayari sa kaniya lahat ng ‘yan, he’s trying to be strong,” ani Vin.

Inihayag din ng aktor na lumalayo ang kaniyang kapatid sa kanilang pamilya para hindi rin sila madamay sa kung ano man ang pinagdadaanan nito.

Tanggap din ni Vin na hindi pa rin siya nakakawala sa “anino” ni Aljur, o pagkakakilala sa kaniya ng mga tao bilang “kapatid ni Aljur.”

“Before naaapektuhan ako. But yeah, kasi nakaka-good vibes din kasi he’s my brother, I’m so proud and all. But this time, nagiging mas grabe ngayon, kasi everything I do, everything I post, may balik eh,” paliwanag niya.

Inalala ni Vin ang bonding moments nila nina Aljur, kung saan magkasama silang natutulog, naghihiraman at nagsusuntukan, ngunit magyayakapan din pagkatapos.

Sa kabila nito, hindi niya tatalikuran ang kaniyang kapatid.

“No matter what happens. Si kuya, gusto kong malaman niya I’m always here. Na kung paano kami dati na dikit sa pwet, it’s still the same,” sabi ni Vin.

Matatandaan na pinag-usapan ang naging hiwalayan nina Aljur at Kylie noong 2021.

Matapos nito, napabalitaang nililigawan ni Aljur si AJ.

Sinabi ni Kylie na bagaman may mga puwede siyang sabihin na ikasasama ni Aljur, hindi niya ito gagawin dahil nais niyang mapanatili ang pagiging magkaibigan nila para pa rin sa kanilang mga anak.--FRJ, GMA Integrated News