Inilabas na ng Intensive Care Unit ang gitarista ng Parokya ni Edgar na si Gab Chee Kee na naospital dahil sa pneumonia.

Sa update ng OPM band sa Instagram nitong Miyerkules, makikita na may hawak na gitara si Gab habang nasa hospital bed pero hindi kita ang kaniyang mukha.

Una rito, na-diagnosed si Gab na may lymphoma noong nakaraang taon at sumasailalim sa chemotherapy.

"Though still far from 100%, he has already transferred to a progressive room to continue his recovery from the pneumonia and the complications brought after," ayon sa banda

"Hindi pa siya makakalabas ng hospital anytime soon, pero eto siya, nagpapraktis na mag gitara para makapag-gig ulit siya para sa inyo!"

Sinabi pa ng banda na pinapayagan na si Gab na humawak ng cellphone at nagbabasa na siya ng comments online.

"Since nababasa niya 'to, positive comments please para pang tulong sa recovery! Bawal mga negastar!"

Mula nang ma-ICU si Gab, nagsagawa ng mga fundraising activities ang iba't ibang banda. Nagpasubasta rin ang Parokya ni Edgar ng ilang memorabilia para tustusan ang pagpapagamot ni Gab.

Nagpasalamat ang Parokya ni Edgar sa lahat ng nagdasal para sa paggaling ni Gab.

 

 

"Once he has completely recovered from the pneumonia and complications, he can continue with the treatment for his lymphoma. Slowly but surely, gagaling si Gab!"—FRJ, GMA Integrated News