Ibinahagi ni Dennis Trillo ang madamdaming mga tagpo sa likod ng camera matapos ang kaniyang huling eksena bilang si Simoun sa “Maria Clara at Ibarra,” na maituturing niyang isa sa makabuluhan at importanteng proyektong kaniyang kinabilangan.

Sa kaniyang Instagram, nag-post si Dennis ng video ng huling eksena nila ni Barbie Forteza, na gumaganap bilang si Klay, ang Gen Z na mag-aaral na nakasubaybay sa buhay ni Crisostomo Ibarra hanggang sa magpalit ito ng anyo bilang si Simoun.

 

“Nais kong ibahagi ang mga kaganapan sa pagtatapos ng aking huling eksena, sa maituturing kong isa sa pinaka makabuluhan at importanteng proyektong kinabilangan ko,” caption ni Dennis.

Pinasalamatan ni Dennis ang lahat ng bumubuo ng Maria Clara at Ibarra, pati na rin ang viewers na tumutok hanggang sa huli sa hit historical fantasy series.

“Nais kong magpasalamat ng buong puso sa bawat tao ng naghirap para pagandahin ang programang ito, at siyempre walang tagumpay kung wala ang mga tumatangkilik Salamat sa iyo, na minahal at nag laan ng oras para panoorin ang palabas, tenkyu???????? mahal ko kayo, hanggang sa muli????” caption ni Dennis.

Kuwela naman ang caption ni Juancho Triviño, na gumaganap bilang si Padre Salvi, sa kaniya ring post ng kaniyang last taping day kasama si David Licauco, gumaganap bilang si Fidel.

 

Sa kaniyang Instagram, tinawag ni Juancho si David bilang si “Michael Jackson” sa kanilang larawan, kung saan tila napatingin si David kay Juancho.

Sa naturang series, si Fidel ang matalik na kaibigan ni Crisostomo, na nagkaroon ng pag-ibig kay Klay.

Magtatapos na ang “Maria Clara at Ibarra” sa Pebrero 24. —LBG, GMA Integrated News