Inihayag ni Kelvin Miranda na kung mayroon mang text ng isang Kapuso actress na hinihintay niya na magpapasaya sa kaniya, ito ay mula kay Kate Valdez.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, sumalang si Kelvin sa “Fast Talk” segment, kung saan pinabuo sa kaniya ang pangungusap na “Sana all ___.”

“Sana all happy,” tugon ni Kelvin.

Tinanong ni Tito Boy kung ano para kay Kelvin ang happiness.

“Happiness kasi Tito Boy, siya ‘yung may pinakamataas na antas na ma-achieve ng tao, kasi mataas ang contentment ng bawat isa eh. So hindi natin siya maibigay sa atin sa pang-araw-araw, which is kahit na sabihin ko na ‘I’m happy.’ Pero ‘yung happiness kasi siya ‘yung peak eh, mahirap siyang abutin. So happiness for me is mahirap,” anang Kapuso actor.

“Kaninong text message ang magpapa-happy sa ‘yo ngayon? If you were to receive a text message right now from a girl dito sa GMA-7, sino ang magpapa-happy sa ‘yo?” diretsahang tanong ni Tito Boy.

“Kahit sino basta maa-appreciate ako,” tila paiwas na sagot ni Kelvin.

“Tayo lang naman, wala namang ibang [nakakarinig]. Tayo lang dalawa. Sino?” pangungulit ni Tito Boy.

“Si Kate Valdez,” tugon ni Kelvin.

Magkatambal sina Kelvin at Kate sa Kapuso afternoon series na “Unica Hija.” — VBL, GMA Integrated News