Nagkuwento si Royce Cabrera kung papaano siya naghanda sa pinag-usapang mainit na halikan nila sa eksena ni Yayo Aguila. Kuwento ng aktor, hindi na siya nag-lunch bago ang shoot nang makita niyang tinapa ang kanilang ulam.

Sa online show ni Paolo Contis na "Just In," tinanong si Royce kung ano ang naramdaman niya bilang isang baguhang aktor noon na makakasama sa isang matinding eksena ng halikan ang batikang aktres na si Yayo sa pelikulang "Fuccbois."

"Kinabahan talaga nung una," ani Royce, na nagkuwento na re-shoot o kinunan lang ulit ang naturang eksena dahil hindi kontento ang direktor nila sa kinalabasan nang nauna nilang halikan ni Yayo.

"Nung una kasi no'n kiss lang. Ngayon tinawagan kami ni direk parang hindi enough yung kiss. Parang mukhang mag-tita lang yung dating. Parang yung uso that time kasi medyo December affair, yung ano gusto nila medyo wild pa," kuwento ni Royce.

Hirit ni Kokoy de Santos, na kasama ring guest sa show, at kasali rin sa pelikula, "Ah, hindi mo ba ni-request 'yon [wild kissing scene]?"

Sabi naman ni Royce, "Hindi ko ni-request 'yon brod. Trabaho lang, professional tayo dito eh."

Nang malaman na umano ni Royce na kailangang maging matindi ang halikan na eksena nila ni Yayo, nag-isip na raw siya kung papaano maghahanda.

"Nakipagkilala ako sa kaniya ako po si Royce, trabaho lang po. Tapos nakita ko yung lunch tinapa saka kangkong hindi ako kumain," natatawang kuwento ng aktor para hindi mag-amoy tinapa ang kaniyang hininga.

"Nagdala ako ng mouth wash noon, pagka-mouth wash ko nag-tootbrush pa ko," kuwento ni Royce. "Mouth wash, toothbrush, chiclet, lahat 'yun. Siyempre nakakahiya parang wala talaga akong kinain that time."

Ayon kay Paolo, nagulat din siya nang mapanood ang naturang eksena at matagal umano ang shot.

Pinuri naman ni Royce si Yayo, "Saludo ako kay Miss Yayo kung hindi naman dahil sa kaniya hindi namin magagawa nang maayos 'yon." --FRJ, GMA Integrated News