May sagot si Ashley Ortega sa mga basher na nagsasabing hindi umano siya sikat at hanggang pang-supporting role lang.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, inilahad ni Ashley na hindi niya hinahabol ang kasikatan, sa halip ay mas gusto niyang magtagal sa industriya.

“Siguro, I’m really passionate about my work. Never kong inisip na I’m after the fame, kasi nga I’ve been in the industry for 10 years already. Ang lagi kong iniisip, this is what I love doing. My goal as an actor is to last in show business. Gusto ko pong tumagal sa industriyang ito," paliwanag ni Ashley na leading lady ni Xian Lim sa Primetime series na "Hearst on Ice."

"So every time nakaka-eksena ko ‘yung veteran actors like sina Tita Amy (Austria), ‘yung mom ko sa show, I always admire them because ‘yon ‘yung lagi kong nilalagay sa mindset ko na,” patuloy ng aktres.

Dagdag pa niya, “I don’t think of all the negative things, kasi it’s gonna hold me back eh."

Kuwento ni Ashley, may mga pagkakataon na may nagsasabi sa kaniya na, “Hindi ka sikat.”

“There was a time na they would tell me na ‘Hanggang supporting ka na lang.’ Pero hindi ko siya pinapaapekto sa akin because masaya rin naman ako sa lahat ng mga supporting roles na nakukuha ko,” anang Kapuso actress.

Para kay Ashley, kilala niya ang kaniyang sarili na mayroon siyang talento.

“Ako, nilalagay ko sa utak ko na, alam ko namang hindi ako sikat,” natatawa niyang sabi. “Hindi ko kasi siya iniisip, because nga I’m not after the fame. I won’t let it affect me. Though inside parang, ay okay, artista kasi, iniisip nila agad is the fame. Pero aminado naman na ako na I know I have the talent, I know I’m good at what I’m doing."

Hinaharap umano ni Ashley ang mga komento ng bashers sa pamamagitan ng pag-acknowledge ng kaniyang feelings, at mas lalo pa niyang ginagalingan.

Ang "Hearts on Ice" ay isang drama sports romance series na patungkol sa kuwento ng isang babae na sasabak sa figure skating sa kabila ng kaniyang kapansanan.

Sa episode nitong Biyernes, ipinakita na si Ashley bilang si Pauline o Ponggay, inaasahang magku-krus na ang landas nila ni Enzo, na karakter ni Xian sa susunod na linggo. --FRJ, GMA Integrated News