Nagpasalamat si Paolo Contis nang malaman niya na hindi pala siya nag-iisa dahil magkatulad pala sila ni Kiray Celis ng "kakaibang" gawi pagdating sa kanilang trabaho bilang artista.

Sa online show ni Paolo na "Just In," na guest niya si Kiray, kabilang sa napag-usapan nila ang kanilang trabaho bilang artista, partikular sa pagbabasa at pagkamisa ng script, o linya na kanilang sasabihin sa eksena.

“Ako kasi may ugali ako, kapag reading, ewan ko kung na-experience mo ‘yun, hindi ako nagbabasa [ng script]," sabi ni Paolo kay Kiray.

Napa-OMG! si Kiray dahil pareho pala sila ni Paolo.

Tinanong ni Paolo kung paano nakakabisado ni Kiray ang kaniyang mga linya.

Ayon sa aktres, nagtatanong siya at pinapabasa na lang niya ang nakasaad sa script.

Dito lalong natuwa si Paolo dahil ganun din pala siya.

“Ako rin! Ganoon ako! ‘Pag nagri-reading ‘yung isang PA [production assistant] laging nandito sa tapat [ko] tapos sabi ko ‘Sabihin mo ang lines ko,’” kuwento naman ni Paolo.

Kaya naman ayon kay Kiray, tumatanggi siya na bigyan pa siya ng makakapal na script dahil nasasayangan siya at hindi niya rin nagagamit.

Parehong nahihirapan daw sina Kiray at Paolo na kabisaduhin sa pamamagitan ng pagbabasa ang kanilang linya.

“First time ko kasing nakatanong… Normal naman [pala]. Kasi feeling ko ang tamad ko lang eh,” paliwanag ni Paolo sa kaniyang obserbasyon sa sarili. “Kasi hindi ko siya ma-memorize kapag reading kunwari tapos basa. Hindi ko ‘yan ma-memorize.”

“Ako rin, pareho tayo. Parang mas lalong hindi pumapasok sa utak ko. Kasi feeling ko ang daming words, parang nagsha-shuffle siya. ‘Okay, sabihin mo na lang sa akin,’” muling pag-relate ni Kiray sa aktor.

Para kay Kiray, isa itong “gift” sa ilang artista.

“Hindi lahat ng artista talaga kagaya natin. Ang daming nagsasabi sa akin it’s a gift. So gift ‘yun sa atin,” anang Kapuso comedienne.

Para naman kay Paolo, dahil ito sa training na kanilang natanggap dahil pareho silang nagsimula na batang nag-artista.— FRJ, GMA Integrated News