Mga taong may kakaibang pangalan ang naging guest sa Bawal Judgmental segment ng "Eat Bulaga" nitong Huwebes. Isa na rito si Spaghetti '88 na binigyan din ng kakaibang pangalan ang kaniyang mga anak.  

Kuwento ni Spaghetti '88 Pascual, ang numero sa kaniyang pangalan ay taon ng kaniyang kapanganakan.

May dalawang kapatid si Spaghetti '88, na sina Macaroni '85, at bunsong ay Sincerely Yours '98.

Kung kakaiba ang kanilang pangalan, simple lang ang kaniyang mga magulang na sina Senando at Flor.

Pero dahil kakaiba ang pangalan ni Spaghetti '88, ginawa na rin niyang kakaiba ang pangalan ng kaniyang mga anak.

Pinangalanan niya ang panganay na si Cheese Pimiento, habang Parmesan Cheese naman ang sumunod. Buntis ngayon si Spaghetti '88, at dahil babae ang paparating na baby, papangalanan daw niyang Mozzarella Cheese.

Pag-amin ni   Spaghetti '88, o Spag, may pagkakataon noong nag-aaral siya na nabu-bully dahil sa kaniyang pangalan lalo na nang sumikat ang kantang "Spaghetti [Pataas-Pababa] at 'Otso-osto."

"Tuwing dadaan ako sa school, 'Oh nandiyan na si Spaghetti, tataas ba 'yan o bababa?,'" kuwento niya.

Kailangan din daw niyang magpaliwanag kung o-order siya ng pagkain. Dahil kapag tinanong ang kaniyang pangalan at sinabi niyang Spaghetti, inaakala umano ng kausap niya na iyon na ang order niya.

Naging pahirapan din daw ang pagkuha niya ng government IDs noong mag-a-apply na siya ng trabaho dahil hindi pa tinatanggap ngayon na may numerong kasama sa pangalan na nakalagay sa ID.

"Lagi po akong may affidavit na si Spaghetti '88 ay isang tao," patuloy niya.

Panoorin ang masayang episode sa video at kilalanin ang kambal na sina Mcdonald at Jollibee Pangindian, na mayroon ding tita na Shakeys naman ang pangalan.

Kasama rin sa choices sa Bawal Judgement sina Drink Water Rivera, at si Abcde Aeiou Mendoza.--FRJ, GMA Integrated News