Patay ang isang barangay kagawad at kaniyang kapatid matapos umano silang pagbabarilin ng suspek na isang sundalo sa Kabacan, Cotabato.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing isang 17-anyos na estudyante ang sugatan din matapos madamay sa pamamaril na nangyari sa isang disco-han sa Barangay Lower Paatan nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Kaagad na nasawi ang 39-anyos na barangay kagawad at 44-anyos niyang kapatid na isang barangay bookkeeper. Isinugod naman sa ospital ang estudyanteng tinamaan ng ligaw na bala.
Ayon sa pulisya, pinamamahalaan ng mga biktima ang pa-disco sa barangay bilang bahagi ng kapistahan nang magkaroon ng pagtatalo sa suspek na sundalo.
Tumakas ang sundalo na may ranggong Corporal matapos ang pamamaril at pinaghahanap na siya ng mga awtoridad. – FRJ GMA News
