Inihayag ni Ina Raymundo na nakaranas siya ng exploitation o pananamantala noong minsang gumawa siya ng isang sexy movie.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, inilahad ni Ina na mayroon din siyang pagsisisi noong gumawa siya ng daring films.

"Of course. Kung maibabalik ko lang ayokong gawin 'yun kasi sa totoo lang... Ayokong pag-usapan ito but, na-force ako, na-exploit talaga ako noong may movie akong ginawa na ang usapan breast exposure [lang]. Tapos ang ending sa movie, they wanted more. Sobrang dark moment 'yung time na 'yun," sabi ni Ina.

"Buti na lang kumita 'yung pelikula nang husto. So in a way na-vindicate ako," pagpapatuloy niya.

Ayon kay Ina, itinuring daw siyang parang bata na pinagsisigawan umano sa dapat niyang gawin.

"I don't even want to mention kung sino 'yung nang-api sa akin noon but they treated me like a child na sinigaw-sigawan dahil ayaw kong gawin 'yung eksena."

Nagkaroon pa raw ng pagbabanta na idedemanda siya kung hindi niya gagawin ang eksena.

"Pero kung tutuusin it was just a bluff kasi wala naman kaming written usapan na mag-all out ako," sabi ni Ina.

"Binaon ko na 'yon. Pero if you ask me, it was a dark moment, but thank God I'm healed, but you know at that time I wasn't okay," dagdag niya. —VBL, GMA Integrated News