Kumpirmado na ang pagtatambal sa pelikula nina Alden Richards at Julia Montes na may tema tungkol sa komplikadong relasyon. Ang aktres, nakumpirma ang kabaitan ng kaniyang leading man.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing dalawang araw nang nagsu-shooting sina Alden at Julia para sa pelikulang "Five Break-ups and a Romance" kaya bakas na ang pagiging komportable nila sa isa't isa.

"Parehong-pareho kaming magtrabaho. Sometimes may mga... kahit konti pa lang yung eksena, may eksena na alam ko kung kailangan ako ni Jules, alam ko 'pag hindi niya ako kailangan," ayon kay Alden, na sinabing hindi "high maintenance" ang aktres.

Si Julia naman, sinabing napatunayan na niya ang kabaitan ng aktor.

"Kaya pala siya talaga siya si Alden Richards. Saka bagay sa'yo yung dimples sa kabaitan mo," saad ng aktres.

"Kasi yung looks niya, obvious na sa kaniya na mabait eh pero napatunayan niya na totoong mabait siya," dagdag ni Julia.

Sa presscon nitong Martes, sinabing ang "Five Break-ups and a Romance" ay isinulat at ididirek ni Irene Villamor.

Ang pelikula ay first collaboration ng GMA Pictures, Cornerstone Studios, at MYRIAD Corporation, na multimedia company ni Alden.

Ayon kay Direk Irene, may tema ang pelikula tungkol sa komplikadong relasyon.

"My movies are about strangers meeting. Hindi natin nakikita yung relationship. Ngayon, nag-dwell ako sa relationship. Gaano ka-complicated? Gaano ka hirap? Gaano ka sarap? Kaya siya five breakups. Try nating manakit ng limang beses," paliwanag ni Direk Irene.

Gagampanan ni Alden ang karakter ni "Lance Sandoval," na inilarawan na "mas relaxed, mas walang hiya."

Samantala, si Julia naman ay si "Justine" na isang  "a goal-driven career woman."

"In this film, [we try to answer] how can you balance career and love. With love, we don't know when and how to stop," sabi ni Julia.

Ayon kay Alden, kaagad niyang naramdaman ang sincerity ni Julia sa una pa lang nilang meeting.

"Two shooting days pa lang. I think this is a start of a really good friendship and working relationship with her," anang aktor.

Sinabi naman ni Julia na sa loob lang ng dalawang araw nilang shooting, nalaman na niya kung bakit "Alden Richards si Alden Richards."

"Nagulat ako, hindi na 'ko magkukunwari. I'm honored and happy to work with him," ani Julia.

Sinabi ni Direk Irene na masayang-masaya siya sa tambalan nina Alden at Julia kahit sa first reading pa lang na ginawa nila. — FRJ, GMA Integrated News