Makakasama nina Vic Sotto at Jose Manalo si Maja Salvador para sa upcoming sitcom na "Open 24/7" sa Kapuso network.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing sumabak na sa pictorial ang tatlo para sa bago nilang proyekto.

"Hindi lang siya puro patawa kumbaga dapat may laman na galing sa puso yung mga istorya na tatalakayin ninyo, makakarelate yung mga tao," sabi ni Vic.

Pagdating kay Maja, sabi ni Bossing Vic, "Si Maja, ganda ng personalidad niya. She is very sweet. Tapos nagkasama kami sa 'Eat Bulaga,' matagal-tagal din dun so iyong vibes andun na kahit first time ko siya makakasama sa sitcom."

Dream come true naman para kay Maja na makatrabaho si Vic.

"Dream 'ko talaga na makatrabaho si Bossing 'di man sa pelikula pero at least sa sitcom niya," sabi ni Maja.

Sa show, gagampanan ni Maja ang role na si Mikaela na kengkoy at "kikay."

"Ito na ang pinakamaarteng role na gagawin ko—ngayon pa lang, pagod na 'ko, ganun. Pero exciting, for me, parang 'yung iba, subtle 'yung pagkaarte niya, eto, matindi," paliwanag niya.

"Kita mo, kumpleto ako sa lahat—todo kulot meron pang headband tapos ang daming abubot pero exciting kasi kailangan ko ng maraming energy," dagdag niya.

Makakasama rin sa sitcom ang ilan sa Sparkle GenZ artists kabilang sina Bruce Roeland, Kimson Tan, Anjay Anson, Abed Green, Muriel Lomadilla, at sina Sofia Pablo at Allen Ansay.

Posible kayang mapanood sa sitcom si Tali na anak nina Bossing Vic at Pauleen Luna?

"Anything is possible. Si Tali naman kasama namin sa taping sa 'Eat Bulaga,' and she is very much interested, pero s'yempre hindi namin itutulak sa showbiz kung gusto lang niya mas importante ang pag-aaral," ayon kay Vic. —FRJ, GMA Integrated News