Sinabi ni Elijah Canlas na walang nakaalam sa unang isang taon ng relasyon nila ni Miles Ocampo.

Inihayag ito ni Elijah sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel,"  nang matanong siya tungkol sa kahalagahan ng privacy para sa kaniya.

Dito na nabanggit at ginawang halimbawa ni Elijah ang relasyon nila ni Miles na isang taon nilang inilihim.

Bagaman iginagalang naman ni Elijah ang ibang celebs na bukas na ibinabahagi sa publiko ang kanilang buhay, sinabi ng award-winning actor na mas gusto nito ang tahimik na buhay.

"For the first year po ng relationship namin, nobody knew about it," patungkol ni Elijah sa relasyon nila ni Miles.

Dahil kay Miles, nalaman daw ni Elijah na posible pala na magkaroon ng private relationship sa showbiz.

"We just choose what to share, and you have to save yourself sometimes from certain things," anang aktor.

Ngayon, masaya raw sila ni Miles na ibahagi ang ilang impormasyon tungkol relasyon nila ng aktres.

"Masaya din mag-share sa mga tao e, na posible na siya," saad ni Elijah. "I'm sure dati mas mahirap, naabutan ko naman po 'yun."

Bida si Elijah kasama si Romnick Sarmenta sa pelikulang "About Us but Not About Us," na entry sa summer edition ng Metro Manila Film Festival.—FRJ, GMA Integrated News