Viral ang dalawang bata na hindi nagpakabog sa kanilang vogue dance moves at nag-showdown sa kalsada sa Tanauan, Batangas.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa State of the Nation, makikita na ayaw paawat ng dalawang bata, na dips kung dips at split kung split sa kanilang mga galawan.

Kaya naman hindi nakatiis ang netizen na si John Hendrix Pulanco, na isa ring dancer, at kinuhanan sila ng video.

Tiniyak ng mga bata na walang manonood nila ang mabibitin, kaya maging netizens ay humanga sa kanilang galing.

Ayon kay Pulanco, lagi nilang nakikita ang mga bata tuwing pupunta sila sa lugar para magkape, hanggang sa natiyempuhan niyang may palibreng show ang dalawa.

Hindi alintana sa mga talentadong bata ang mga manonood, dahil makikitang enjoy sila sa paghataw. —LBG, GMA Integrated News