Kahit na nagkakaroon sila ng mga pag-aaway at kinalaunan ay nagkakabati rin naman, sinabi ni Donita Nose na hindi na mawawala ang pagmamahal niya sa kaniyang kaibigan na si Super Tekla.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, tinanong ni Tito Boy si Donita kung nasaan ngayon ang pagkakaibigan nila ni Tekla.

“Ipinagmamalaki ko pong sabihin sa inyo Tito Boy, of course siyempre magkaaway pa rin!,” biro ni Donita.

Ayon kay Donita, may aral siyang natutunan sa pagkakaroon ng kaibigan na katulad ni Tekla.

“Actually ‘pag ang tao kasi talaga napamahal na sa ‘yo, minsan naiisip natin na gumawa man siya ng hindi tama, maiisip natin na andu’n pa rin ‘yung pagmamahal eh, ‘yung concern na hindi mawawala na hanggang kailan,” anang comedian.

“Nag-away tayo, magbabati tayo, mag-aaway tayo, usual nang nangyayari sa amin ‘yon pero ‘yung love as a friend ‘yung concern mo sa tao andu’n pa rin, hindi nawawala,” dagdag ni Donita.

“Artistang matatakbuhan mo?” tanong ni Tito Boy kay Donita sa Fast Talk segment.

“Super Tekla!” mabilis na tugon ni Donita.

Pumatok at kinagiliwan ng masa ang “DonEkla” tandem nina Donita at Tekla sa dating GMA show na “Wowowin.”

Mayroon din silang YouTube channel na Donekla in Tandem.

Nang masangkot noon si Tekla sa kontrobersiya, isa si Donita sa kaagad na nagtanggol sa komedyante.--FRJ, GMA Integrated News