Inilahad ni Liezel Lopez na “okay” sila ng kaniyang ex na si Kristoffer Martin matapos ang kanilang hiwalayan noong 2021. Inamin din niyang showbiz crush niya ang kaniyang “Voltes V: Legacy” co-star na si Martin del Rosario.
 
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, panauhin sina Liezel at Martin kung saan niyaya sila ni Tito Boy sa isang impromptu acting.
 
Umarte si Tito Boy bilang isang biktimang na-scam, samantalang gumanap sina Liezel at Martin bilang mga scammer.
 
Sa kanilang eksena, tila nagalit sina Liezel at Martin nang singilin na sila ni Tito Boy tungkol sa kaniyang investment.
 
Sa pagtatapos ng eksena, may hirit si Tito Boy kay Liezel.
 
“Alam niyo may na-notice lang ho ako. Parang itong si Liezel ang tingin sa akin parang si Kristoffer Martin,” biro ni Tito Boy, sabay yakap kay Liezel.
 
Dito, sinamantala na ni Tito Boy ang pagkakataon para kumustahin si Liezel sa naging ugnayan niya noong kay Kristoffer.
 
“Are you guys friends?” tanong ni Tito Boy sa “Voltes V: Legacy” actress.
 
“We’re okay,” tugon ni Liezel. “We’re okay.”
 
“I’m okay,” muling sagot ni Liezel, sabay angkla sa braso ni Martin.
 
Sa Fast Talk segment, inilahad ni Liezel na “ready to mingle” ang estado niya ngayon.
 
“Martin,” natatawang sagot ni Liezel nang tanungin kung sino ang kaniyang showbiz crush.
 
“Na-fall ka na ba kay Martin, yes or no?” pagsegundo ni Tito Boy.
 
“Yes,” natatawang sagot ni Liezel, bago tiningnan ang reaksyon ni Martin.
 
Career over love life
 
Ibinahagi rin ni Liezel na ang pagpili niya sa career ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi natuloy ang ilan sa kaniyang mga naging love life.
 
“Super support naman po ‘yung mga naging ex ko. Pero I think mas naging hadlang sa amin ‘yung kunwari, schedules kasi meron din silang ibang ginagawa. Kunwari long-distance relationship.”
 
Kaya kung hahantong sa pagdedesisyon, karera ang pipiliin ni Liezel.
 
“More on karera po. I think po kasi ‘yung pag-aartista kasi hindi naman siya talaga forever. For me, I want to build myself muna, my career muna before I go into very serious like marriage na type ng stage ng life,” saad ng Voltes V: Legacy actress.
 
“Feeling ko mas gusto ko munang ma-fulfill ‘yung mga pangarap ko before going into that deep type of relationship,” sabi ni Liezel.  —VBL, GMA Integrated News