Inihayag ni Martin del Rosario na mas pipiliin niya muna ngayon ang career, dahil nawawala siya sa focus kapag siya ay umiibig.

“Career. Tito Boy ang tagal ko nang single, mga five years na. And isa sa mga reason sa akin... Kasi kapag ako kapag nagmahal, lagi akong, parang nawawala ‘yung focus ko sa life eh. Very passionate akong tao so kapag nag-love ako, may time na puro doon na lang ako nakatingin,” sabi ni Martin sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

Ayon kay Martin, may karanasan siya na nawala na siya noon sa focus dahil sa away pag-ibig, kaya nakaapekto ito sa kaniyang trabaho.

“Nangyari na in the past, so alam ko baka mangyari ulit. Maraming times nangyayari ‘yung nawawalan ka ng time, or kapag bad mood ako, may away, nadadala ko ‘yung mood sa work and maraming naaapektuhan,” saad ng "Voltes V: Legacy" actor.

Mas pipiliin din ni Martin na magsolo muna kapag nakararanas ng heartbreak.

“Nagka-cry ako pero mag-isa. Ayoko lang nakikita ng iba. ‘Yung parang ang daming sinasabi na... Ako lang kasi, alam kong ako lang magde-decide for myself,” sabi ni Martin. —VBL, GMA Integrated News