Walang pagkukunwaring inilahad ni Snooky Serna na si Albert Martinez ang “first love” ng kaniyang buhay, at muntik na raw silang magtanan noon.

“Pagpasensiyahan niyo na po, baka po kayo ma-ano, pero talagang nagpapakatotoo na tayo ngayon. Si Albert Martinez is the first love of my life,” sabi ni Snooky sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkoles.

Ikinuwento ni Snooky ang hindi niya malilimutang alaala nila ni Albert.

“Siyempre Tito Boy noong first time na sinagot ko siya at 14 years old. Love comes to us in all ages, walang pinipiling edad ‘yan. I thank my parents for having been so trusting, na kilala nila kung sino naman ako na when I fell in love, they welcomed Albert with open arms,” saad niya.

“Noong first time siguro na sinagot ko siya at sinabi ko talaga, pinrofess (profess) ko ‘yung pagmamahal ko sa kaniya na sinabi kong ‘I love you too,’” pagpapatuloy ni Snooky.

First anniversary nila ni Albert nang magpunta sila sa Antipolo.

“Nakakatawa ‘yung first year namin, gusto naming magtanan na,” pag-amin ni Snooky.

“I was 15 then. We went to Antipolo para magtanan na kaya lang sinumpong si Albert ng asthma niya, so bumalik kami,” nakangiting pagbabahagi niya.

Nang tanungin ni Tito Boy kung ano ang posibleng mangyari kung hindi nagka-asthma si Albert, ‘Baka kami ang nagkatuluyan, mag-asawa na kami.’”

Pero kung tatanungin siya kung sino ang “great love” ng kaniyang buhay, tinukoy ng aktres ang namayapang aktor na si Miguel Rodriguez.

“He’s the Filipino version of Superman, si Christopher Reeve. Kita mo just talking about him, it unsettles me ha, Tito Boy,” biro ni Snooky.— FRJ, GMA Integrated News