Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, tinanong ng King of Talk ang Kapuso actor na si Yasser Marta kung "sila na ba" ni Kate Valdez.

“Oo o hindi, kayo na ba ni Kate Valdez?” diretsahang tanong ni Tito Boy kay Yasser.

“Hindi pa po Tito Boy,” sagot ni Yasser, na inaming nililigawan niya ang dalaga.

“Nanliligaw po ako sa kaniya, nililigawan ko siya Tito Boy. Pero mas nandu’n kami sa ine-enjoy lang namin ‘yung companionship ng bawat isa,” pagpapatuloy ng aktor.

May naging usapan din umano sila ni Kate na hindi nila magmamadali pagdating sa kanilang ugnayan.

“Tsaka ayaw din naming madaliin,” saad ni Yasser. “Mas maganda ‘yung may nabi-build kayong foundation.”--FRJ, GMA Integrated News