Ipinaalam na sa cast ng Kapuso hit murder mystery drama series na "Royal Blood" kung sino ang pumatay kay Don Gustavo Royales, na karakter ni Tirso Cruz III.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nagsama-sama ang cast members ng series para script reading sa papalapit nilang finale.

Dito na nila nalaman kung sino talaga ang pumatay kay Don Gustavo.

Kahit si GMA Network's Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes,  dumalo rin sa script reading dahil interesado rin siyang malaman ang kriminal sa serye.

"Kaya nga talagang I made it a point to fix my schedule na nandito ako kasi gusto ko talagang malaman sino ba talaga ang pumatay kay Gustavo," ayon kay Atty. Annette.

Sinabi naman ni Rhian Ramos, gumaganap na si Margaret, na madalas siyang tanungin ng mga tao kung sino ang pumatay kay Gustavo.

"Ang tagal din naming hinintay 'tong revelation day na 'to," saad naman ni Lianne Valentin.

Pero kahit sa gitna ng kanilang script reading, may pagdududa pa rin ang ilan sa cast tungkol sa karakter ng ibang kasamahan nila.

Hinala nina Mikael Daez at Dion Ignacio, hindi lang isa ang killer.

"Parang hindi lang isa ang killer eh. Ako nung nabasa ko 'yung week ten, alam ko na eh, hindi ko na lang sasabihin kung sino," sabi ni Dion.

Pero kahit alam na ng cast kung sino ang killer, hindi nila ito puwedeng ihayag dahil may pinirmahan silang "non-disclosure agreement."

"Kakalimutan 'yung araw na 'to," ayon kay Aidan Veneracion para mapanatili ang sikreto sa kaniyang sarili.

"Ako, itutulog ko na lang," sabi naman ni Princess Aliyah.

Para naman kay Dingdong Dantes, "Gusto namin ma-experience talaga nila 'yung joy of discovering kung sino 'yung pumatay up to the very last minute."

Napapanood ang "Royal Blood" gabi-gabi sa ganap na 8:50 p.m. sa GMA pagkatapos ng "Voltes V: Legacy." At sa GTV sa ganap na 11:30 p.m. mula Lunes hanggang Thursday; habang tuwing 11 p.m. naman sa Biyernes. —FRJ, GMA Integrated News