Sa pag-alala sa kaniyang namayapang katrabaho sa GMA Network na si Mike Enriquez, ikinuwento ni Susan Enriquez kung gaano sila kadalas na mapagkamalan na mag-asawa na dalawa.

Sa panayam ng PEP.ph, sinabi ni Susan na madalas silang matanong ni Mike tungkol sa kanilang relasyon dahil pareho sila ng apelido.

"Madalas kaming napagkakamalang mag-asawa. Idinadaan ko na lang sa, 'Ay, naku, kung asawa ko 'yan, hindi na ako magtatrabaho!'" ani Susan.

"Hanggang ngayon, napagkakamalang mag-asawa kami," dagdag niya.

Pero nagkataon lang daw na pareho sila ng apelido ni Mike.

"Marami nang beses na sinagot namin 'yan sa mga presscon, lagi talaga, 'Kayo po ba ay mag-asawa?'" ani Susan. "Sa radyo nga, 'Asawa n'yo po ba si Mike?'"

Lizabeth "Baby" Yumping ang pangalan ng asawa ni Mike, at nagkakilala ang dalawa noong DJ pa sa radyo ang batikang broadcaster.

Nang itampok ang kanilang love story sa dating programa na "Wagas," sinabi ni Mike na hindi niya inakalang makakatuluyan niya si Baby na dati niyang tagapakinig sa radyo at nagre-request ng mga kanta.

Samantala, kasama si Susan ng GMA Integrated News reporter na si Raffy Tima at DZBB radio broadcaster Joel Reyes Zobel,  sa mga naging bisita sa "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Miyerkules kung saan ginunita nila ang mga alaala ni Mike, na pumanaw nitong Martes sa edad na 71.

Hinangaan nila ang dedikasyon ni Mike sa trabaho, bukod sa kababaang-loob nito at pagiging mabait na kaibigan at mentor.—FRJ, GMA Integrated News