Inilahad ni Chito Miranda ang kaniyang paghanga sa kapwa "The Voice Generations” coach na si Julie Anne San Jose, dahil sa pagiging technical pagdating sa musika.

“Pinapanood ko lagi si Stell [ng SB19] kasi he’s always fun to watch,” sabi ni Chito sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes. “Para kaming may batang de susi, na kahit anong gawin niya bentang benta lang sa amin.”

“[Pero] pagdating sa coaching, well magaling si Stell, pero nagulat ako kay Julie Anne kasi she’s so technical. Nagulat ako na, wow ibang level, parang siya talagang vocal coach na iba. Para siyang teacher,” saad ng Parokya ni Edgar frontman.

Naobserbahan pa ni Chito ang kakaibang estilo ni Julie pagdating sa pag-coach ng mga hinahawakang artists nito.

“Siya talaga with the voicing and everything, uy medyo technical,” sabi ni Chito.

Nauna nang inilahad ni Chito na humahanga rin siya kay Stell.

Ang misis ni Chito na si Neri Naig, inihayag na natutuwa rin siya kay Stell.

“Si Stell, natutuwa ako sa kaniya kasi very articulate siya magsalita talaga. Para siyang host talaga, alam niya. And charismatic,” sabi ni Neri. -- FRJ, GMA Integrated News