Inilabas na ang full trailer ng “Rewind” na pinagbibidahan nina Marian Rivera at Dingdong Dantes at isa sa entries sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2023.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, mapapanood ang ilang bahagi ng trailer ng family drama film, na iikot sa kuwento ng mag-asawang sina Mary at John, na ginagampanan nina Marian at Dingdong.

May plot twist na tungkol sa second chances at life lessons ang pelikula.

Sinabi ng “DongYan” na extra special sa kanila ang Rewind dahil ito ang kanilang unang pelikula bilang mag-asawa.

“May mga bagay na hindi mo talaga puwedeng iwan, imposible mo nang ma-rewind, kaya make the most of what you have right now,” sabi ni Dingdong.

“Kung mayroon kang nararamdaman, hindi okay, wala masamang diretsuhin mo ‘yung asawa mo, sabihin mo para maayos niyo agad,” sabi ni Marian.

 


Sa isang panayam ni Aubrey Carampel, sinabi ni Dingdong na excited na silang maipalabas ang pelikula sa mga sinehan dahil sa napaganda nitong istorya.

“Definitely paglabas mo ng sinehan, you will feel inspired, you will feel loved, and at the same time, magiging maganda ang paggawa mo ng New Year’s resolution mo sa darating na taon,” ayon sa aktor.

Dahil tungkol sa pamilya at mag-asawa ang pelikula, tinanong sina Marian at Dingdong kung papaano nila hina-handle ang kanilang mga problema.

“Sa buhay mag-asawa even in a relationship, kahit anong relasyon, hindi maiiwasang merong mga hindi pagkakaunawan. Pero sabi ko nga kung may ganun mang pagkakataon siguro mas maganda na very transparent kayo sa isa’t-isa,show respect and love pa rin, after all diba. At tsaka maaayos at maaayos nyo yan sa mabuting pag-uusa. Lahat nadadaan doon,” ayon kay Marian.

Ang Rewind ay sa direksyon ni Mae Cruz Alviar at produced ng Star Cinema, APT Entertainment at AgostoDos Pictures. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News