Inihayag ni Pops Fernandez na naging nobyo niya noon si Randy Santiago sa "telepono," at niligawan din siya ni "Mr. Pure Energy" Gary Valenciano. Habang sa naging close sila ni Martin Nievera na kaniyang naging asawa.

“Ang bilis kasi ni Ratsky. Ganu'n siya katinik," sabi ni Pops tungkol kay Randy sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes.

Pag-alala ni Pops, katatapos lamang niyang gawin noon ang pelikulang "Just Say You Love Me" kasama si Rowell Santiago, na kapatid ni Randy.

"He is my ka-partner, but si Ratsky ‘yung makulit, ‘di ba? Siya ‘yung funny, siya ‘yung tatawag,” sabi ni Pops.

“Naging boyfriend ko si Ratsky over the phone. And I think back then, may girlfriend din si Randy. Sorry!”

“Hindi ko lang alam kung alam niya dati na girlfriend ako ni Randy on the phone. Now, alam na niya.”

Ibinahagi pa ni Pops na minsan siyang pinayagan ng kaniyang ina na manood ng sine kasama si Randy.

"Hindi na uli naulit. Na-freak out na si mama,” anang Concert Queen. “That ended our phone conversation. Break na kami."

Sinabi rin ni Pops na minsan siyang niligawan ni Gary, ngunit hindi ito humantong sa opisyal na relasyon.

“Nanligaw... He would call me ‘til wee hours of the morning. Siyempre, kilig-kilig naman ako.”

Noong mga panahong iyon, hindi pa sila ni Martin Nievera, na kaniyang naging asawa.

At sa huli nga, si Martin ang kaniyang nakatuluyan.

“It was the constant togetherness," sabi niya.

"Madadala ka rin naman talaga sa mga tao, ‘di ba? Mga fans, they loved us together. We really do have chemistry, you know? Siguro at that moment, ‘yun na nga, parang alam ko break na sila, although madaming nanligaw, siya parati ‘yung kasama ko. Bawal kasi siyempre magpaligaw,” saad niya.

"Parati ko lang nakakasama, si Martin. So, it’s easy naman to fall in love with Martin.”

Ikinasal sina Pops at Martin noong 1986 ngunit na-annull noong 2000. Nagkaroon sila ng dalawang anak na sina Robin at Ram.-- FRJ, GMA Integrated News