Matapos ipaliwanag ni Senator Chiz Escudero sa kaniyang asawa na si Heart Evangelista na nais niya itong ihanda na maging matatag kapag wala na siya kaya niya ipinapakita ang “tough love,” ngayon naman ay tinanong ng senador ang Kapuso star kung magpapakasal ba ito kapag wala na siya.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" kung saan ipinalabas ang ikalawang bahagi ng panayam sa mag-asawa, tinanong ni Tito Boy ang dalawa kung ano ang nais nilang itanong sa isa’t isa.

Sabi ni Sen. Chiz kay Heart: “‘Pag wala [na] ako, magpapakasal ka ba uli?”

Tugon naman ni Heart: “Never. Never TikTok. Everybody never.”

Si Heart naman, tinanong kung mag-iiwan si Chiz sa kaniya ng gabay upang makayanan pa niya ang mga hamon ng buhay sa kaniyang pagtanda.

“One day, when you are no longer with me, ‘pag nasa 90 plus na ako, will you leave me a map so I can navigate my life, because I won't be able to navigate it?” tanong ni Heart sa asawa.

“Definitely. Mumultuhin kita, darling,” pabirong tugon ni Senator Chiz.

Para kay Heart, dapat na inilalahad ang mga plano sa buhay sa mga taong kaniyang mga pinagkakatiwalaan.

“You only show the blueprint of your life to those you trust,” anang Kapuso fashion icon.

Si Senator Chiz naman, pinayuhan si Heart na dapat “arm’s length” lamang ito.

“Basically, I told her It's just arm's length,” anang senador. “People you work with, you meet outside of those who are really close to you and you grew up with, it's just arm's length.”

“But the best news is.. Because it's authentically you This blueprint or this map will continuously change as you grow. So somewhere along the way, whoever took this map will lose their way, so wala na ako roon,” sabi ni Heart.

Fifty-four na ngayon ang edad ni Chiz, habang 39-anyos naman si Heart.

Sa episode ng Fast Talk nitong Huwebes, inihayag ni Heart na nalulungkot siya sa “tough love” na ipinapakita sa kaniya ng mister.

“You would think kasi na sa dynamics namin na bine-baby niya ako or anything, hindi siya ‘yung ganu’n na type. In a sense, he was very tough love, so I had to learn certain things in the real world outside our family,” sabi ni Heart

Paliwanag naman ng senador sa asawa, "‘Tough love nga eh. Kailangang matutunan mo ito. Mas matanda ako sa ‘yo. Paano ka kapag wala na ako?’”

Ayon pa kay Chiz, naglabas sa kaniya ng hinaing si Heart tungkol sa paraan ng kaniyang pagmamahal.

“Until one time, sinabi niya (Heart) ‘‘Yun nga ang point. Nandito ka pa, bakit ganiyan na. Hindi ba puwedeng pagdating na lang ng panahong iyon?’” pagbahagi ni Chiz

Ikinasal sina Heart at Chiz noong 2015.

Isinagawa naman nila ang kanilang renewal of vows noong nakaraang buwan sa Balesin, kasabay rin ng pagdiriwang ng kanilang wedding anniversary at kaarawan ni Heart noong Pebrero 14.-- FRJ, GMA Integrated News