Matutupad na ang pangarap ni Jennylyn Mercado na makatrabaho sa isang proyekto ang kaniyang mister na si Dennis Trillo.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing magtatambal ang mag-asawa sa isang romantic comedy film na may pamagat na "Everything About My Wife."

Ang naturang pelikula ay Philippine adaptation ng isang Argentinian movie

"Masaya siya kahit na tungkol siya sa mag-asawang nag-aaway," sabi ni Dennis.

"Pinamigay niya 'yung asawa niya," natatawang duktong ni Jennylyn.

Ang "Everything About My Wife" ang magiging unang proyekto nina Dennis at Jennylyn matapos silang magpakasal noong 2021.

Dati nang nagkasama sa isang proyekto ang dalawa sa "I Can See You: Truly, Madly, Deadly" noong 2020.

Ayon kay Dennis, tinulungan siya ni Jennylyn na makapag-adjust sa romcom, na aminado siyang bago para sa kaniya.

"Nung umpisa medyo nangangapa ako dahil hindi ako sanay gumawa ng mga light na project," ayon sa aktor. "S'yempre sinusuportahan naman ako nung asawa ko, queen of romcom."

Tugon naman ni Jennylyn, "Hindi naman niya kailangan sa totoong buhay," sabay dagdag na naipapakita na ni Dennis ang kaniyang light side sa mga Tiktok videos na ipinopost nito.

"Natutuwa ako na nashe-share na niya sa mga tao gamit 'yung TikTok, at least maraming natutuwa sa kanya, na-e-enjoy 'yung mga videos niya at 'yung creative side niya nilalabas niya," sabi ng aktres.

Napapanood ngayon si Jennylyn sa GMA Prime series "Love. Die. Repeat." Habang magiging kontrabida naman si Dennis sa upcoming historical action series na "Pulang Araw," na kasama rin sina Alden Richards, Sanya Lopez, Barbie Forteza, at David Licauco.—FRJ, GMA Integrated News