Ibinahagi ni Bunny Paras ang pambihirang kondisyon na tinatawag na Friedreich Ataxi na dahilan para hindi na makalakad ang panganay niyang anak na si Moira.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkules, binalikan ng dating aktres ang diagnosis ng mga doktor kay Moira na "tinaningan" na ang buhay.

Ayon kay Bunny, 10-taong-gulang noon si Moira na matuklasan na taglay niya ang naturang rare disorder. Sinabi ng mga doktor na maaaring tumagal lang ng hanggang 25 o 30 taon ang buhay ng anak.

"Kaya siya make-a-wish child,” saad ng dating aktres.

Ang Friedreich Ataxia ay bunga ng gene defect sa mga magulang. Naapektuhan nito ang ilang nerves system. Lumalabas ang sintomas ng disorder sa late childhood ng pasyente, kung saan nahihirapan siyang maglakad, madaling mapagod, at pagpagal sa pagsasalita.

Ipinasok ni Bunny si Moira sa clinical trial sa pag-asang makakahanap ng gamot sa kaniyang kondisyon.

“Because of the clinical trial, they’re telling me that there’s a miracle happening in my daughter’s body,” ani Bunny.

Ngayon, 25 anyos na si Moira, at lagi nila itong ipinagdadasal.

“‘Yung mga kasabayan niya, really down low. Talagang mahinang-mahina and Moira is like in the middle and something’s keeping her kahit papaano,” sabi ni Bunny.

Kahit hindi nakapaglalakad, sinabi ni Bunny na hindi naman "deteriorating as much as she should,” ang kalagayan ng kaniyang anak.

Sa naunang ulat ng Pep.ph, sinabing 17-anyos si Moira nang tuluyan nang hindi siya nakapaglakad.

“Nag-full time wheelchair na siya dahil bumigay na talaga ang legs niya. Nawala na pati ang sensation ng legs niya,” saad Bunny.

Sa kabila ng kalagayan ni Moira, sinabi ni Bunny na nakatakdang ikasal ang kaniyang anak.

“Na-in love siya kay Moira because of her strength also,” pagbahagi ni Bunny tungkol sa lalaki.

Si Moira ay anak ni Bunny sa dating karelasyon na si Mohan Gumatay, na kilala sa tawag na “DJ Mo.”

Kinalaunan, napangasawa ni Bunny si Tom Greenway.— FRJ, GMA Integrated News