Nagbiro si Kaye Abad na sumama ang kaniyang loob nang itanggi nina Paolo Contis at Patrick Garcia na nanligaw ang mga ito sa kaniya.

“Ang sasama nga ng mga ugali ‘di ba? Sabi ko talaga noong pinanood ko, ‘Dineny niyo akong dalawa? ‘Di talaga kayo proud sa ‘kin, ‘no?’" sabi ni Kaye sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes.

"‘Sabagay, maiintindihan ko kung mali-link ka kay Anne Curtis. Mas pipiliin kong ma-link ka kay Anne Curtis kesa kay Kaye Abad,’” pagpapatuloy niya.

Inilahad ni Kaye na crush niya noon si Patrick, at niligawan siya nito.

"Eh mabait talaga si Lord sa ‘kin, binibigay Niya talaga ‘yung mga gusto ko so, niligawan ako ni Patrick," anang aktres. “Hindi na lang siya natuloy.”

Nanligaw din sa kaniya si Paolo, ngunit pagkakaibigan lang ang kaniyang nararamdaman.

“Kay Paolo, ang naaalala ko, tinanong niya ako kung puwede siyang manligaw but I said no because we’re friends.”

“This [was] after John Lloyd [Cruz]. And then, while we were doing ‘Tabing Ilog,’ ‘yun na, nagtanong siya. Sabi niya, ‘Kaye, puwede ba kitang ligawan?’ Sabi ko, ‘Paolo, magkaibigan tayo.’”

Gayunman, inamin ni Kaye na crush niya rin si Paolo dati.

“Mabait talaga si Lord! Pero medyo nale-late lang si Lord ng bigay. Crush ko siya during ‘Ang TV,’” pag-amin niya.

Hanggang sa ligawan ni Paolo ang kaniyang best friend na si Carol Banawa.

“So sabi ni Carol, ‘Kaye, nililigawan ako ni Paolo.’ Sabi ko, ‘Okay lang ‘yon.’”

Bida sina Kaye, Patrick, at Paolo sa pelikulang “A Journey” na streaming na sa Netflix.

“Very lucky ako na sila ‘yung dalawang kasama ko. That’s one reason why I accepted this film also, because of the two of them,” ani Kaye.—LDF, GMA Integrated News